Kapitulo Uno: Taga-bantay

Monday, August 10, 2009

Istambay
Security Guard at ang Siyentipiko

Halos tatlong buwan ng walang trabaho si Luti at umaasa na lamang siya sa kanyang kapatid na babae na si Danda. Ayos lang daw naman na umasa muna siya sa ngayon dahil ilang taon rin siyang tumulong sa gastusin sa bahay. Buhat ng namatay ang ama nila nagsimula ng makitira si Luti sa bahay ni Danda. "Nahihiya man ako, pero wala rin akong mapupuntahan!" Sabi ni Luti sa kasamang tambay sa harapan ng tindahan ni Aling Minang. "Kahit anong trabaho papasukin ko." dugtong pa niya. Lingid sa kaalaman ni Luti at ang kasama niyang tambay, nakikinig ang anak ni Aling Minang sa dalawa, siya si Arnel, dalawang taon ng security guard ng isang bangko sa lungsod ng Angeles. Mamayang gabi pa ang kanyang pagbabantay. "Gusto mo bang pumasok sa konstraksiyon?" tanong ni Bepkong, ang kasamang tambay. "Kagaya ng sinabi ko papasukin ko ang lahat basta may trabaho lamang ako". "Kung gayon sasabihin ko bukas sa boss ko!" Masayang tinig ni Bepkong "Teka! Teka! Ang ganda ng kutis mo Luti! Huwag mong sayangin sa konstraksiyon" Singit ni Arnel. "Di na mahalaga iyon, at isa pa wala ring kuwenta kung maganda nga ang kutis ko kung palamunin lang din naman ako. Hahahahaha!" Malakas na tawa ni Luti. "Gusto mo bang magtrabaho sa gabi?" Seryosong tanong ni Arnel. "Kanina kutis ang pinag-uusapan, ngayon trabahong pang-gabi naman. Mukha yatang kakaibang trabaho ang ipapasok mo ha?" wika ni Bepkong. "Oo, gusto ko basta ba legal ang trabahong iyan." sang-ayon na sagot naman ni Luti. "Kung gayon makakasama na kitang magbabantay tuwing gabi, kailangan pa ng boss ko ng isa pang guard" masayang pagkasabi ni Arnel. "Talaga! Ibig sabihin tanggap na ako kahit di pa ako kakilala ng boss mo?". "Ayon! masaya yan kayo ang tagapag-bantay kaya walang magbabantay sa inyo kahit matulog kayo, hahahaha!" Tuwang-tuwang pagsabi ni Bepkong. At ilang araw pa ang lumipas at naging security guard na rin si Luti kasama si Arnel. Unang gabi ni Luti na magbabantay. "Ganito ang gawin natin, salitan tayo ng tulog. Mauuna akong matutulog pagkatapos ng dalawang oras, ikaw naman." Sabi ni Arnel. Lumipas ang dalawang oras at si Luti naman ang natulog. At natapos ang buong gabi at uwian na. Kapalit nila ay sina Efren at Bhoy. Pauwi na si Luti nang makasalubong niya ang isang nakaputing lalaki na may kasamang ilang mga Pilipinong sundalo. "Isa siyang scientist" wika ng isang nakangiting sundalo sa kaliwang bahagi ng siyentipiko.

Brownout
Mysteryosong Paa

Nakauwi si Luti at diretso siya sa kanyang maliit na kuwarto. Natulog. Bumangon ng tanghali at natulog nanaman. Gumising siya ng alas-tres. Mainit. Hindi gumagana ang kanyang bentilador. Tumayo upang tignan kung ano ang problema. Walang kuryente, kaya't hindi na siya nakatulog ng maayos. Alas-sais dumating si Arnel. "Tara na Luti! Maaga ang pasok natin ngayon. Maaga daw lumabas ang mga taga-opisina". "Mabuti naman at maaga rin akong nakapagbihis!" Sagot ni Luti habang papalabas. Wala na si Bhoy at Efren nang makarating ang dalawa sa Bangko. "Ano ba naman ang dalawang iyon, 'di man lang tayo hinintay bago umalis!" reklamo ni Arnel, "Mamayang alas-nuwebe mauna ka ng matulog pare, gigisingin na lang kita ng alas-onse." dugtong pa niya. "Tamang tama inaantok pa ako dahil 'di na ako nakatulog magmula nang mamatay ang kuryente, bakit kaya hanggang ngayon wala pa ring kuryente?" isang tanong ni Luti na nakakuha ng atensiyon ni Arnel. "Oo nga! wala namang bagyo at wala man lang pasabi na ganito katagal ang brownout." wika ni Arnel habang binubuksan ang lagayan niya ng kape. Dumating ang alas-nuwebe at "Oh pare paano, hihiga muna ako sa loob." medyo nahihiyang ang boses ni Luti. "Sige pare! alas-onse ha?". Lumabas si Arnel upang manigarilyo. Madilim ang buong paligid at kapansin pansing iilan lamang ang mga bahay na nagsindi ng lampara o kandila. "hmmmm! nakakakiliti naman ng pakiramdam." sabi sa sarili ni Arnel habang nilalabas ang usok sa kanyang bibig. Alas-diyes nang may narinig na ingay si Arnel. Isang umiiyak na sanggol, mga labing limang metro sa kanyang kinatatayuan. Hindi niya ito masyadong pinansin hanggang sa sinundan ito ng isang putok ng baril. "Mukhang kalibre trenta'y otso ang putok na iyon, isang putok na maaring galing sa isa ring security guard." Sabi sa sarili niya at tumakbo papunta sa kinaroroonan ng ingay. Ikinasa ang double barrel shotgun niya, isang banta ng pakikipaglaban. Biglang tumahimik ang paligid at tumigil ng pagtakbo ang binata. Napakatahimik, ni tahol ng aso ay walang maririnig. May isang yapak na sumira sa katahimikan sa bandang kaliwa ni Arnel. Isa pang yapak. At tumigil ng bigla. Nagtago si Arnel sa likuran ng isang nakaparadang sasakyan. Nanginginig sa takot ang binata. Pinakawalan ng maitim na ulap ang liwanag ng buwan, na siya namang nagbigay ng konting tapang kay Arnel. Lumiwanag ng bahagya ang paligid. Bumalik ang ingay ng yapak na sa pagkakataong ito mas mabilis ang kasunod ng bawat yapak. Papalapit ito kay Arnel kaya naisipan niyang pumasok sa ilalim ng sasakyan upang masigurado ang kanyang kaligtasan. Mula sa ilalim ng sasakyan kitang kita ni Arnel ang mga kakaibang paa ng isang di mapaliwanag na naglalakad sa tahimik na kalye. Puno ito ng talim at balahibo. Nanlaki ang mga mata ni Arnel sa kanyang nasaksihan at napaihi ito sa sobrang takot.

0 comments: