Kapitulo Dos: Mandirigma

Sunday, September 13, 2009

Efren at Bhoy
Mga Unang Mandirigma

Tumigil sa paglalakad ang di malamang nilalang. Nakakarinig ng isang mabilis na tibok ng puso, isang tibok na puno ng takot. Sinipa ng nilalang ang sasakyang pinagtataguan ng binata. Para lang panaginip ang nakikita ni Arnel. Kahit gusto niyang tumayo at tumakbo, hindi sumusunod ang kanyang katawan sa gustong mangyari ng kanyang isip. Naghihintay sa susunod na mangyayari. Isang higanteng ipis ang handang tumapos sa kanyang buhay, itinaas ng ipis ang isa sa mga kamay nito na puno ng talim, isang sinyales ng pagpaslang sa binata. Pabagsak na ang kanyang kamay at bago pa ito tumama kay Arnel, isang putok ng baril ang muling sumira sa katahimikan. Wasak ang ulo ng higanteng ipis, gayun pa man, bumagsak pa rin ang isang kamay ng ipis sa kanang braso ni Arnel. Kahit malaki ang sugat na natanggap ni Arnel mula sa ligaw na talim ng kamay ng ipis, masuwerte pa rin ito dahil hindi dumapo sa orihinal na inaasinta ng ipis sa kanya, ang kanyang ulo. Bumalik ang pagkatao ni Arnel dahil sa sakit na nadama mula pagkakasaksak ng talim sa kanyang braso. Tinulungan siya ng dalawang security guard na ang isa ay may hawak na sanggolggol2Ayos ka lang Arnel?", isang kilalang boses ang nagbigay ng pagasa sa nasaktang binata. "Efren! Salamat" ang huling salita ng binata bago nawalan ng malay.

Bangko
Ang Imahe

"Haay! Sarap ng tulog ko! Ikaw naman pare! Pare?... Pareng Arnel" sabi ng kagigising lang na binatang si Luti. Naglakad siya palabas upang tignan kung nasa labas ang kasama. Bumalik sa loob ang binata dahil di rin niya ito nakita sa labas. Gamit ang kanyang flashlight umakyat siya sa ikalawang palapag para doon naman maghanap. Malansa ang amoy, nakakasuka at parang ang hirap gumalaw. Kakaibang aura ang nadama niya. Dahil dito di niya mapigilang mapahawak sa kinalalagyan ng kanyang baril. Parang may isang baboy na kumakain sa kanyang kanang bahagi. Isang ingay ng kumakain na baboy. "May tao ba diyan? Pare?" nangangambang boses ni Luti. Itinutok sa kanan ang hawak niyang flashlight at laking gulat niya sa kanyang nakita. Isang katawan na walang ulo at walang mga kamay ang kinakain ng isang tumakbong nilalang dahil nasilaw sa liwanag ng flashlight. Tumakbo pababa si Luti dahil sa sobrang takot. Nang makarating sa ibaba, na-ilawan niya mula sa pinto palabas ang isang imahe na halos sakupin ang pinto sa sobrang laki. Hindi ito tao at hindi rin higanteng ipis. Tumakbo pakanan si Luti hanggang sa makarating sa isang silid na kung saan ginaganap ang pagpupulong ng mga opisyales ng bangko tuwing umaga. Isinara ang pinto at napapaiyak na ang binata sa sobrang takot. Tulayan na niyang inilabas ang kanyang baril at ikinasa. Napaupo siya sa likuran ng nakasaradong pinto. Pawis na pawis at hinahabol ang hininga. Naisipan niyang tumayo upang siyasatin ang silid na napasukan. Inilawan ang kaliwa, kanan at harapan. Naglakad ng dahan dahan. Inilawan ang kisame mula sa kaliwa pakanan. Sa kanang bahagi ng kisame ay may isang butas na sinlaki ng isang gulong ng sasakyan. Mula sa butas may bahid ng dugo pababa, na siya namang sinundan ng ilaw ng kanyang flashlight. Lalong nanlambot at natakot si Luti nang makita niyang ang pinanggalingan ng dugo ay sa isang bangkay na pugot ang ulo at putol ang dalawang kamay.

Bangko II
Ang Pagdating

Makikitang babae ang bangkay dahil sa hugis ng katawan nito at suot niyang uniporme. Gusto mang buksan ni Luti ang pinto, natatakot naman ito dahil sa nakita niyang imahe na nakatayo sa pinto palabas ng bangko. May tunog na maririnig mula sa butas. Papalapit ito ng papalapit. Hindi malaman ng binata kung papatayin niya ang flashlight o itututok sa butas. At pinatay niya pa rin ito, dahil iniisip niya na baka lalo lamang siyang mapansin. Lalong lumakas ang ingay, at sa pagkakataong ito, hindi na ito nanggagaling sa butas, nasa ibaba na, kung saan nakita ni Luti ang bangkay. Hindi mapigilan ng binata at binuksan ang flashlight at inilawan ang bangkay. Isang daga na sinlaki ng aso ang kumakain sa kaliwang paa ng biktimang babae. Sa sitwasyong ito, hindi na takot ang naramdaman ni Luti, galit na galit siya sa higanteng daga kaya binaril niya ito at tinamaan sa katawan, para lang itong nagasgas kaya binaril niya itong muli at tinamaan nanaman sa katawan. Gumagalaw pa ngunit di na makatayo. Nilapitan ng binata ang nangingisay na daga at hinapakan niya ito sa ulo. Ilang segundo pa at meron nanamang ingay na nanggagaling sa butas. Inihanda ni Luti ang kanyang baril at itinutok niya sa butas kasabay ang pagtutok ng flashlight. Nanginginig ang mga kamay at naliligo sa sariling pawis, litong lito at di malaman ang gagawin ng binata. Ilang minuto na ang lumipas at wala pa ring lumalabas sa butas. Nangangawit at nanginginig na ang mga kamay, di rin makalabas dahil sa nakitang imahe sa labas ng silid. Isang putok ng baril ang nanggaling sa labas. Sinundan pa ito ng dalawang magkasunod na putok.